© WHO Philippines
A girl and her younger sibling wear masks and stay at home while recovering from COVID-19.
© Credits

Walong hakbang tungo sa ligtas na home-based recovery para sa COVID-19

27 April 2022
Mahigit dalawang taon na nang magsimula ang pandemya, ang COVID-19 ay nananatiling isang seryosong sakit. Ang ilan ay maaaring magkaroon ng malubhang karamdaman o maaaring mamatay, lalo na ang mga nakatatanda at may ibang karamdaman o comorbidities.  

Pero para sa karamihan ng mga taong nagkakasakit ng COVID-19 – lalo na kung sila ay may kumpletong bakuna – madalas ay mild ang pagkakasakit o minsan ay asymptomatic o walang anumang sintomas. Para sa mga taong hindi mataas ang panganib sa malubhang COVID-19, ligtas na magpagaling sa bahay nang may gabay ng healthcare provider

Kung ikaw ay may COVID-19 at nirekumendahan na mag-isolate at magpagaling sa bahay, paano mo masisigurong ligtas ang iyong mga kasama? Kung ikaw ay nag-aalaga ng taong may COVID-19, may magagawa ka ba para maiwasan ang hawaan sa bahay? Kailan ka dapat humingi ng tulong? Narito ang walong hakbang tungo sa ligtas na home-based recovery mula sa COVID-19.  

Sino ang maaring magpagaling sa bahay mula sa COVID-19? 

Ang home-based recovery ay mainam kung ang tao ay nag-positibo sa COVID-19 at: 
  • Wala silang kahit anong sintomas, o mild lamang ang sintomas, at
  • Hindi sila kabilang sa kahit anong high-risk category (halimbawa, mga nakatatanda o mga taong may medical conditions tulad ng cardiovascular o chronic lung disease) 
  • Karamihan sa mga taong ito ay ligtas na gagaling sa bahay kapag nakipag-ugnayan sila sa kanilang healthcare provider upang makahingi ng payo
  • Makipag-ugnayan sa isang healthcare provider sa inyong lugar para magabayan nang tama kung paano magpagaling sa bahay o kung kailan dapat humingi ng tulong sa isang health facility. Kabilang din dito ang protocols kung kailan at paano tatapusin ang home isolation.


Walong hakbang para sa home-based recovery at ligtas na pag-aalaga ng isang household member na may COVID-19 

Ang pagsunod sa walong hakbang para sa home-based recovery ay mahalaga upang maiwasan ang paglaganap ng COVID-19, at mapanatiling ligtas ang lahat ng household members. Sundin ang mga sumusunod na hakbang: 

1. I-isolate o ihiwalay ang taong may COVID-19 at panatilihin ang sapat na distansya 

Kailangang manatili ang taong may COVID-19 sa isang bukod na kwarto. Kung hindi ito posible, kailangan nilang matulog sa isang hiwalay na kama. Kailangan rin nilang gumamit ng hiwalay na banyo. Kung hindi ito posible, ang kanilang paggalaw sa loob ng bahay ay dapat limitado lamang sa mga mahahalagang gawain (katulad ng paggamit ng banyo). Kailangan din nilang dumistansya nang hindi bababa sa isang metro sa ibang tao sa bahay. 

2. Buksan ang bintana para sa maayos na daloy ng sariwang hangin 

Mahalaga ang pagkakaroon ng maayos na bentilasyon sa kwarto ng taong may COVID-19 at sa kung anumang parte ng bahay na ginagamit din ng iba. Buksan ang bintana para pumasok ang sariwa at malinis na hangin. 

Alamin kung paano nakakatulong ang bentilasyon sa pag-iwas sa pagkalat ng COVID-19.  

3. Magtalaga ng mga mag-aalaga 

Dapat may isa o dalawang taong nakatuon sa pag-aalaga sa taong may COVID-19, at wala dapat silang comorbidities o kondisyon na maaring maglagay sa kanila sa panganib sa mga malubhang karamdaman.

4. Magsuot ng masks at panatilihin ang kalinisan 

Kapag may kasamang iba ang taong may COVID-19 sa iisang kwarto, magsuot dapat ang lahat ng disposable face masks (o tinatawag ding surgical masks). Kapag aalis ang tagapag-alaga sa kwarto ng may sakit, kailangan niyang tanggalin ang kanyang mask, itapon nang maayos, at hugasan ang kanyang mga kamay.  

Bigyan ng sariling pinggan, kubyertos, tuwalya, at sapin sa kama ang taong may COVID-19. Hindi ito maaring gamitin ng ibang tao sa bahay.  

Kailangang mag-disinfect nang madalas at punasan ang lahat ng bagay na laging nahahawakan ng taong may COVID-19. Ang kwarto ng taong may COVID-19 ay dapat na linisin at i-disinfect nang lubusan pagkatapos ng kanilang isolation period.  

Lahat ng basura ng taong may COVID-19 (tulad ng gamit na tisyu at mask) ay dapat na ituring na nakakahawa at kailangang itapon nang maayos at ligtas. 

5. Gamutin ang anumang sintomas 

Ang sintomas ng COVID-19 ay maaring magtagal lamang nang ilang araw tulad ng mga pangkaraniwang lagnat, ubo, at pagkapagod. Ang ilan sa iba pang sintomas na hindi pangkaraniwan at maaring makaapekto sa ibang pasyente ay pagkawala ng panlasa o pang-amoy, nasal congestion, conjunctivitis (o pamumula ng mata), sore throat o pangangati o pananakit ng lalamunan, pananakit ng ulo, pananakit ng mga kalamnan, pamamantal ng balat, nausea o pagsusuka, diarrhea, at panlalamig o pagkahilo. 

Sundin ang payo ng iyong healthcare provider tungkol sa kung anong gamot ang kailangang inumin. Maaring kabilang dito ang mga gamot para sa pananakit ng ulo o lagnat. Maaring kailanganin din ang paggamit ng pulse oximeter sa home-based recovery, at maari itong gamiting batayan kung kailangan nang magpa-ospital.  

Kasama sa mga babala na dapat bantayan sa pasyente ay kung siya ay may problema sa paghinga, patuloy na pananakit sa dibdib, pagkalito, at kawalan ng kakayahang manatiling gising. 

SARS-CoV-2, ang virus na sanhi ng COVID-19, ay hindi magagamot ng antibiotics. Gayunpaman, ang ilang taong nagkasakit sa COVID-19 ay maaari ring makabuo ng secondary bacterial infection bilang komplikasyon at maaring magreseta ng antibiotics ang iyong healthcare provider

Ito ang mga dapat malaman tungkol sa COVID-19 at antibiotics

6. Magbigay ng nararapat na mental health at psychosocial support 

Ang pagiging positibo sa COVID-19 ay maaring magdulot ng mga komplikadong emosyon para sa taong may sakit at sa mga kasama sa bahay. Normal na makaramdam ng pagkatakot o pagkabalisa. 

Maraming paraan upang mapangalagaan ang mental health at kabuuang kalusugan sa ganitong panahon, kasama na ang pakikipag-usap sa mga taong iyong pinagkakatiwalaan at pakikilahok sa mga ligtas na gawain. 

7. Huwag tumanggap ng bisita 

Upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19, hindi maaring tumanggap ng bisita sa panahon ng home-based recovery.

8. Alamin ang mga red flags at humingi agad ng tulong  

Kapag may nagpapagaling mula sa COVID-19 sa bahay, kailangang bantayan ang kanilang kondisyon kahit dalawang beses sa isang araw. Iba-iba ang palatandaan ng malalang sakit depende sa edad ng taong may COVID-19.  
  • Para sa mga nakakatanda, kasama ang pagkahilo, hirap sa paghinga, pananakit ng dibdib, o dehydration.
  • Ang mga bata ay maari rin magmukhang nalilito, walang ganang kumain, o magkaroon ng asul na labi o mukha.
  • Ang mga sanggol ay maari ring hindi makadede.

Sa mga sitwasyon na ito, tumawag agad sa inyong lokal na emergency hotline at humingi ng tulong  medikal o magpunta sa ospital. 


Ligtas na home-based recovery 

Nakakatulong ang home-based recovery dahil mabibigyan ng nararapat na tulong medikal ang mga pasyenteng may malubhang COVID-19 at maiiwasan ang posibleng pagkapuno ng mga ospital. Sa pagsunod sa mga hakbang na ito, ang mga taong may COVID-19 na may mild o walang sintomas at maituturing na malusog ay maaring magpagaling sa bahay. 

Makakatulong din ang kanilang mga kasama sa bahay sa kanilang paggaling habang nananatiling ligtas sa impeksyon. Basahin ang mga frequently asked questions (FAQs) sa home care sa mga pamilya at tagapag-alaga.